WebClick Tracer

Online sabong pa more! P1-M na naging bato pa

Simot ang P1 milyon ng isang kelot matapos sunod-sunod na matalo sa pagtalpak sa online sabong.

Kwento ng lalaking itinago sa pangalang “Roman,” nagsimula siya sa pagtataya sa naturang uri ng sugal sa halagang P600.

Nang makatikim ng tuloy-tuloy na panalo ay nagsunod-sunod na rin ang pagataya niya ng pera.

Mula P600 ay ginwa umano niya itong P6,000.

“‘Yung sampu, nanalo ng P9,000, P19,000 totodo ko. Hanggang sa ‘pag nanalo ulit, rolling-rolling, kaya umabot ng P1 million ‘yon yung P10,000,” ani Roman sa “Dapat Alam Mo.”

“Mas nanggigigil po ako ‘pag natalo po eh, doon ako nag-iinit. ‘Yun palaki nang palaki ‘yung taya ko para mabawi yung puhunan ko,” pagpapatuloy niya.

Aniya, naisipan niya na noong talikuran ang online sabong ngunit muling kinati para umano matulungan ang kaibigan niya.

Sinuwerte naman siya muli sa tinaya niyang P10,000 at nalulong nanaman sa sugal.

Sambit niya, maging ang P300,000 ipon ng kanyang misis ay naiwaldas niya dahil sa manok.

Sa ngayon ay tuluyan na aniyang tinalikuran ang online sabong. (VA)

TELETABLOID

Follow Abante News on