WebClick Tracer

Mga big fish sa illegal drug trade patay na! – Duterte

Hindi mga Pilipino kundi mga dayuhan ang “big fish” sa illegal drug trade sa bansa.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang aktibidad na dinaluhan nito sa Lucena City noong Huwebes ng hapon bilang tugon sa mga kritiko na maliliit lamang umanong mga isda ang nahuhuli at napapatay sa operasyon ng illegal na droga.

Sinabi ng Pangulo na hindi mga mayayamang Pilipino ang nagpapatakbo ng illegal na droga sa bansa dahil mayaman na ang mga ito kundi mga dayuhan na napatay na ng mga otoridad.

“Sabi ninyo walang big fish. Walang mayaman ngayon na Pilipino nasa droga. Mayaman na eh. Ang big fish na hinahabol ninyo hindi mga milyonaryo, hindi sina Ayala, Pangilinan. They are not there. Mayroong dumatig na bigtime dito pero nahabol rin ng gobyerno, patay,’ anang Pangulo.

Kabilang aniya sa mga big fish ang apat na Chinese na kapapatay lang sa isang anti-drug operation ng mga otoridad.

Hindi aniya mga mayayamang Pinoy ang “big fish” sa illegal drug trade dahil mayaman na ang mga ito at hindi na kailangang magnegosyo ng shabu.

“Huwag kayong maghanap ng mga big fish na mga mayayaman o anak mayaman. Hindi na kailangang magnegosyo ng shabu yan, mayaman na nga eh,” dagdag ng Pangulo.

Pabirong sinabi ng Presidente na kung hindi kuntento ang mga kritiko ay bibigyan niya ang mga ito ng tulingan, danggit o kaya ay tuna na ikinatawa ng mga dumalo sa aktibidad.

“Ano bang big fish? Ano pala gusto mo? Bigyan kita ng tulingan pati danggit, pati itong tuna. Gusto ninyo? Big fish, big fish. Tagal na naming nagha-harvest ng big fish–dead fish,” wika ng Presidente. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on