WebClick Tracer

Service contracting, sagot sa problema ng drayber, komyuter – Hontiveros

Nanawagan si Senador Risa Hontiveros ang Department of Transportation na palawakin ang service contracting program ng gobyerno upang matiyak na ang pamasahe sa mga pampublikong sasakyan ay mananatiling abot-kaya sa gitna ng tumataas na presyo ng gasolina.

“Kailangang pag-igtingin pa ang service contracting. Hindi lang ito sagot sa problema ng mahabang pila ng commuters tuwing rush hour, kundi malaking kaluwagan din na mapanatiling mababa ang pasahe,” sabi ni Hontiveros.

Ang presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo ay tumaas ng higit sa P7 kada litro sa loob lang ng halos dalawang buwan.

Nanawagan ang mga transport group para sa dagdag na P3 sa minimum fare upang makasabay sa pagtaas din ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Hontiveros, mas maraming mga drayber at operator ng pampublikong utility (PUV) ang dapat na mapabilang sa programa at dapat tugunan na ang problema sa pagbabayad sa mga kasalukuyan nang driver-beneficiaries.

“Kailangang gobyerno ang sumalo ngayong parehong tsuper at komyuter ang nalalagay sa alanganin. Gobyerno ang magpapasweldo sa mga tsuper at aako ng gastos sa gasolina para hindi muna magtaas ang pasahe at maipasa sa konsyumer,” ani Hontiveros.

Maaari din umanong kunin ng DOTr ang P3 bilyong pondong hindi nagastos at nakalaan sa service contracting at libreng sakay programs upang matulungan ang mas maraming driver-beneficiaries at makakapagbigay ng subsidiya sa gasolina at pamasahe.

Ngunit hindi aniya sapat ang halagang ito dahil dapat matapatan ng P5 bilyon na inilaan para sa programa sa ilalim ng Bayanihan 2.

“Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) needs to ramp up with obligating the P3B it has from the 2021 budget,” ani Hontiveros.

“Kailangan ding hanapan ng pandagdag na pondo katumbas ng inilaan para sa service contracting sa Bayanihan 2 na nasayang lang. Dapat mabayaran ang mga tsuper ng on time at sapat para maging kapaki-pakinabang ang sistemang ito,” dagdag pa niya.

Isa pang maaaring mapagkukunan ng pondo, aniya, ay ang nakolektang buwis mula sa fuel marking program ng gasolina sa ilalim ng TRAIN law.

“Pinagmamalaki ng Department of Finance ang success ng fuel marking program. As of 2020, P131.17B ang nakolektang buwis mula dito. Magandang tingnan kung paano ito makakatulong na dagdag ayuda o suporta sa mananakay at sa mga pasahero,” ayon kay Hontiveros. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on