Dapat ng kumilos ang Ombudsman para masingil na ang atraso ni Senador Dick Gordon na P86 million mula sa pondo ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the Nation kasunod ng hindi pa aniya naisosoling pera sa gobyerno ni Gordon sa kabila ng pinal na desisyon ng Korte Suprema para ibalik na ang dinis-allow na pondo ng Commission on Audit .
Sinabi ng Presidente na matagal ng dapat naisauli ni Gordon ang pera sa gobyerno pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito sumusunod sa utos ng Korte Suprema.
“You have not taken steps to deliver the 86 million. So I think we will have to see if we can call on the Ombudsman to step in because matagal na itong utang na ito at final and executory na,” anang Pangulo.
Nagtataka ang Presidente kung bakit hindi magawang mapasunod si Gordon sa utos ng korte para isauli sa gobyerno ang P86 million gayong dinesisyunan na ito ng kataas-taasang hukuman.
“Bakit kung senador ang may tama, walang nagagawa at ilang taon na ito. So itong mga senador, siguro they are exempted from the operation of the law because until now this 86 million which was incurred during sa termino ni Gordon sa Subic, itong incessant and repetitive summons,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)