WebClick Tracer

Pagbakuna ng mga bata sa ospital kinuwestiyon

Mistulang inilalapit umano ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases sa kapahamakan ang mga menor de edad sa desisyon na bakunahan ang mga ito sa mga ospital kung saan ginagamot ang mga pasyenteng may COVID-19.

Ayon kay House Senior Deputy Minority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin mukhang hindi ginamit ang siyensya sa desisyon na bakunahan ang mga bata sa mga ospital.

“While I understand the need for precautions, common sense would dictate that the hospital setting is not the safest place to be during a pandemic. Doing vaccination in hospitals will expose our teenage children to more viruses and possibly to COVID-19,” sabi ni Garin, dating kalihim ng Department of Health (DOH).

Isinasagawa ang pilot vaccination ng mga menor de edad sa Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Heart Center, Pasig City Children’s Hospital, Fe Del Mundo Medical Center, Philippine General Hospital, St. Luke’s Medical Center (Bonifacio Global City), at Makati Medical Center.

Ipinunto ni Garin na ang pagbabakuna sa mga ospital ay dumaragdag sa trabaho ng mga frontline healthcare workers na pagod na sa mahabang pakikipaglaban sa COVID-19.

“If the more fragile population was vaccinated outside hospitals, then why are we risking our teens to go to hospitals?” dagdag pa ni Garin na ang ipinupunto ay ang pagbabakuna sa mga senior citizen at mga taong mayroong comorbidities sa mga paaralan, covered court at iba pang open area.

Nais ding malaman ni Garin kung kinunsulta ng IATF ang National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) at mga ospital sa kanilang desisyon.

“Were hospitals, who are already overloaded, consulted if they have the capacity and the manpower to do the added work? Were parents given a choice if they want their teenagers to go to hospitals or to community vaccination sites?” sabi pa ng lady solon.

Ikinalungkot ni Garin na mahigit isang taon matapos magsimula ang pandemya ay mayroon pa ring mga opisyal na hindi naiintindihan kung papaano masusugpo ang COVID-19.

“It’s a shame that facts and science fall into deaf ears. Nananatili silang bulag sa katotohanan at bingi sa siyensya at medisina. Kawawa ang taumbayan. Talo ang Pilipino,” dagdag pa ni Garin.

TELETABLOID

Follow Abante News on