WebClick Tracer

P6-B natitirang pondo ng TESDA gastusin na – Win

Dismayado si Senador Win Gatchalian dahil malaki-laki pa ang hindi nagagastos ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pondo nito dalawa’t kalahating buwan na lang bago matapos ang taon.

“Ito ay kaso ng hindi maayos na pagpaplano at hindi maayos na fiscal management. Kung pipilitin nating gastusin ang natitirang pondo, gagamitin natin ito para lang masabing nagastos natin at ito ang iniiwasan natin,” pahayag ni Gatchalian sa isang pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng TESDA para sa 2022.

Para magastos ng TESDA ang naturang natitira pang pondo, sinabi ng senador na kinakailangan nitong gumastos ng P2.02 bilyon kada buwan.

Ngunit kung susuriin ang datos ng ahensya noong 2020, P689 milyon lamang ang nagagastos nito kada buwan. Nitong Setyembre 24 naman, umabot lamang sa halos limampu’t walong (57.95) porsyento ang Effective Utilization Rate (EUR) ng TESDA.

Ayon pa kay Gatchalian, ang hindi maayos na paggamit sa pondo ay nauuwi sa mga sitwasyong paglilipat ng pondo sa Philippine International Trading Corporation (PITC).

Una nang pinuna ng Commission on Audit (COA) na noong 2019 ay naglipat ng pondo ang TESDA sa PITC ng halagang umabot sa dalawang bilyong piso. Ngunit nawala na ang awtoridad ng ahensyang gamitin ang pondo batay sa General Appropriations Act (GAA) ng Fiscal Year (FY) 2019.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11464, pinalawig ang bisa ng mga pondo sa ilalim ng 2019 GAA hanggang sa pagwawakas ng taong 2020. Ang pondo ay hindi naibalik sa TESDA o sa National Treasury.

Ang naturang pondo ay inilipat sa PITC upang makabili ng toolkits para sa Special Training for Employment Program (STEP) ng TESDA.

Ngunit nagsimula lamang nitong taon ang delivery ng mga toolkits at patuloy hanggang ngayon ang pagpapamahagi nito. Pinuna ni Gatchalian na dahil sa naantalang pagpapamahagi, hindi nagamit ng mga scholars ang mga toolkits habang isinasagawa ang kanilang mga training. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on