WebClick Tracer

Eleazar sa mga parak: Wag puro petiks! Maging alerto, aktibo

Kinalampag ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Guillermo Eleazar ang kapulisan sa Metro Manila para sa mas pinaigting na pagpapatupad ng COVID safety potocols.

“Sa pag-uumpisa ng implementasyon ng Alert Level 3 sa Metro Manila, inatasan ko na ang ating mga unit commanders sa kalakhang Maynila na maging alerto at aktibo sa pagpapatupad ng minimum public health safety dahil baka maging kampante ang ating mga kababayan sa pagluwag ng patakaran na mauwi lamang sa muling pagtaas ng mga kaso ng COVID sa ating bansa,” anang hepe sa isang pahayag.

Kaugnay ang panawagan ng opisyal matapos isailalim ng pamahalaan ang NCR sa Alert Level 3 na siayang nagsimulang maging epektibo nitong Sabado.

Ani Eleazar, magpapakalat pa ang ahensya ng mas maraming pulis sa mga lugar na pinayagan ng magbalik-operasyon ang mga negosyo.

“Kasabay nito ang aking direktiba sa ating mga kapulisan sa Metro Manila na makipag-ugnayan hindi lamang sa mga LGUs kundi pati sa mga may-ari ng mga business establishments at iba pang mga lugar na maaring dagsain ng ating mga kababayan. Inaasahan ko rin ang karagdagang mga pulis na magpapatrolya sa mga lugar na ito,” aniya.

Nito lamang Miyerkoles nang ibaba ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang community quarantine status ng Metro Manila sa Alert Level 3 na siyang magtatapos sa Oktubre 31. (VA)

TELETABLOID

Follow Abante News on