Upang mabuhay ang employment-generating economic activity sa Quezon City, dapat umanong tulungan ang mga negosyo katulad ng pagbibigay sa mga ito ng diskwento sa buwis na sinisingil ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Anakalusugan Rep. Mike Defensor, mayroong 74,650 negosyo sa lungsod na karamihan ay maliliit lamang.
Sa pagbibigay ng diskwento sa mga ito, sinabi ni Defensor na magkakaroon sila ng dagdag na pondo upang muling kunin ang mga inalis nilang empleyado.
“We are counting on the discount to help businesses, especially small and medium enterprises with less than 200 workers, get back on their feet,” sabi ni Defensor.
Sa pamamagitan ng limang porsyentong discount ay maibabalik umano ng lungsod ang P625 milyong halaga ng buwis sa bulsa ng mga negosyante.
Noong 2020, nakasingil ang lungsod ng P12.5 bilyong local business tax.
“To energize household consumption spending, we will also provide P3 billion worth of direct financial aid to the jobless, informal workers, health staff, teachers, police officers, and public-sector employees,” dagdag pa ni Defensor na tumatakbo sa pagka-alkalde ng lungsod kasama ang running mate na si Councilor Winnie Castelo.
Bukod sa pagtulong sa supply side upang mas maraming produkto at serbisyo ang kanilang maibigay, sinabi ni Defensor na dapat ding tulungan ang demand side o mga mamimili sa pamamagitan ng pagbibigay ng financial assistance sa mga ito.
Batay sa unang plano na inilatag ni Defensor, maaaring makapagbigay ang lokal na pamahalaan ng P3 bilyong financial subsidy sa mga residente ng lungsod. Magiging mahalaga rin umano ang infrastructure spending na makalilikha ng trabaho at iba pang pagkakakitaan. (Billy Begas)