WebClick Tracer

Buhay ng mga nasa kolehiyo magbabalik na sa normal – Roque

Magkakaroon na muli ng buhay ang mga estudyante sa kolehiyo matapos simulan ang pagbakuna sa mga ito sa Pampanga.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos saksihan ang “Padyak para sa Flexible Learning”, kasama ang ilan pang miyembro ng gabinete sa kauna-unahang pagbakuna sa mga estudyante sa kolehiyo ng Our Lady of Fatima sa San Fernando City.

Sinabi ni Roque na ngayong nasimulan na ang pagbakuna sa mga kabataang estudyante ay inaasahang magtuloy-tuloy na ito para makabalik ang mga estudyante sa face to face learning sa mga classroom sa mga unibersidad at kolehiyo.

“Congratulations sa mga kabataan na nagpabakuna ngayon, at ang mensahe sa lahat ng kabataan, magpabakuna na po ng tayo ay makapag balik-buhay. Dahil sa bakuna, pwedeng magbalik-buhay,” ani Roque.

Pabiro pang sinabi ni Roque sa kanyang talumpati na matutuloy na ang mga ligawan sa mga paaralan dahil mayroon ng mga bakuna para sa mga kabataan.

“Nagagalak po ako na matutuloy na ang ligawan sa ating mga colleges and universities dahil meron na pong mga bakuna na maituturok sa mga braso ng ating mga kabataan,” dagdag ni Roque.

Binuksan na aniya ang pagbakuna sa mga kabataan kaya walang dahilan para hindi mabakunahan ang lahat ng mga estudyante sa mga unibersidad at kolehiyo sa bansa.

Sinabi ni Roque na kapag mayorya na ng mga Pilipino ang nakatanggap na ng COVID vaccine ay nakakasiguro na ng kaligtasan ang maraming Pilipino at marami na ang magiging protektado laban sa COVID-19 at aasahang magiging masaya na ang Paskong Pinoy.

“Napakahirap po ng buhay sa pandemya, walang ekonomiya, walang trabaho, maraming nagugutom. Pero dahil sa bakuna, may pag-asa na pagdating ng pasko, we will have a merrier Christmas,” dagdag ni Roque.

Nakatakda namang simulan sa October 15,2021 ang pagbabakuna sa mga menor de edad mula 12-17 at uunahin ang mga may comorbidities o may mga sakit na kabataan. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on