Malinaw na umano na napako ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na dodoblehin ang sweldo ng mga guro sa pampublikong paaralan.
Ito ang sinabi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) bilang tugon sa pahayag ng Department of Education (DepEd) at Presidential Communications Operations Office (PCOO) na lumaki ang sahod ng mga guro sa ilalim ng Duterte administration.
Dahil nabigo si Duterte na tuparin ang kanyang pangako, sinabi ni ACT Secretary General Raymond Basilio na ang mga guro ang propesyonal sa gobyerno na may pinakamababang sahod ngayon.
Ang bagong pasok na public school teacher ay sumasahod ng P23,877 kada buwan samantalang ang mga unipormadong tauhan ng gobyerno ay P30,000 at ang nurse sa pampublikong ospital ay P35,000.
“He promised teachers of doubling their salaries during his presidential campaign, at sa loob ng higit limang taon niyang nakaupo sa pwesto ay hindi niya ito tinupad,” sabi ni Basilio.
Ang Salary Standardization Law V na pinirmahan ni Duterte ay hindi umano totoong nagtaas sa kalagayan ng mga guro dahil sa laki ng buwis at iba pang kaltas sa sahod.
Ipinaliwanag ni Basilio na tumaas ng P1,561 ang sahod ng Teacher I pero ang tax deduction at mandatory contribution nito ay umakyat naman sa P2,759.
Ang Teacher II at III ay may pagtaas naman na P1,557 at P1,522 pero ang bawas sa kanilang buwanang sahod ay P3,384 at P4,022.
Hindi rin umano tama na isama ng Duterte administration ang pagtaas sa sahod mula 2016 hanggang 2021 dahil ang SSL IV ay pinirmahan ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino.
Ang SSL V ay sinimulang ipatupad noong 2020.
“Walang maipagmamalaki si Duterte sa kanyang SSL V dahil sa katunayan, 2nd lowest salary increase ang ibinigay nito sa mga guro mula 1990s,” dagdag pa ni Basilio.
Ang 30% taas sahod sa ilalim ng SSL V ay mas mababa umano kumpara sa 177% pagtaas sa SSL I sa ilalim ni dating Pangulong Fidel Ramos, sa 39.9% pagtaas sa SSL II nina dating Pangulong Joseph Estrada at dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, at sa 54% pagtaas sa SSL 3 ni Arroyo.