WebClick Tracer

NTF pumiyok sa pagiging kulelat ng Pinas sa Covid resilience

Mas mahalaga ang buhay kaysa ano pa mang bagay sa mundo.

Ito ang tugon ni Dr. Ted Herbosa, special adviser ng National Task Force Against COVID-19 sa COVID resilience ranking na inilabas ng Bloomberg kung saan kulelat ang Pilipinas sa 53 mga bansa sa mundo.

Ayon kay Herbosa, mga ekonomista ang gumawa ng ranking kung saan ang tutok nila ay ekonomiya at kung saang panig ng mundo ang sa kanila ay “worst at best.”

“Ang mga gumawa ng rating ay economist, hindi kagaya naming mga doktor na iba ang tinitingnang parameter. Buhay ang sa amin, sila ang tinitinangnan nila ay ekonomiya at saka best and worst places to live in. Depende kung paano mo tingnan yung baso, half full o half empty,” ani Herbosa.

Posible aniyang ang pinagbasehan ng Bloomberg ay ang mga ipinatupad na paghihigpit at maraming polisiya sa bansa gaya ng paggamit ng face mask, face shield at quarantine kaya hindi nakapagtatakang bababa ang Pilipinas sa ranking.

Pero sinabi ni Herbosa na ang maipagmamalaki ng gobyerno ay napakababa ng bilang ng mga namatay sa COVID-19 kumpara sa mga nangunang bansa sa ranking na daan-daang libo ang nasawi sa COVID-19.

“Pero ang ipagmamalaki ko naman, yung bilang ng mga namatay. Yung mga ni-rank nilang matataas mas marami pang namatay na tao kaysa sa atin sa Pilipinas. Ako bilang doktor, una yung pagsagip ng buhay, pangalawa yung ekonomiya,” dagdag ni Herbosa.

Kapag aniya patay na ang isang tao ay hindi na makapagtrabaho pero kapag naka-recover sa COVID-19 ay may pag-asang makabalik sa hanapbuhay.

“Ang prayoridad naman kung ikaw ay patay na hindi na makakagawa ng trabaho, pero kung ikaw ay buhay at naka-recover ay maganda yon. Lahat ng bansang above us sa ranking, mas maraming namamatay per capita,” wika ni Herbosa. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on