WebClick Tracer

Hugpong Para kay Sara dumami pa

Ilang araw bago magsimula ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga nais tumakbo sa 2022 elections, mahigit 100 opisyal at volunteer ang sumali sa panawagan na tumakbo sa pagkapangulo si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Nagmistulang show of force ang panunumpa ng mga suporter ng Hugpong Para kay Sara (HPS) mula sa 44 bayan at apat na lungsod ng Pangasinan na isinagawa sa WCC Aeronautical and Technological College.

Nais ng HPS na kumbinsihin si Duterte na tumakbo sa pinakamataas na puwesto sa bansa kahit na sinabi na nito na hindi ito tatakbo sa anumang national position matapos na tanggapin ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte ang nominasyon ng PDP-Laban para sa pagka-bise presidente.

Pinamunuan ni HPS national chairman Anthony del Rosario, dating gubernador ng Davao del Norte ang mass oath-taking. Kumpiyansa ito na magbabago pa ang isip ng mayora.

“With her independent mind, we at the HPS feel the country gets the benefit of considering the best candidate for the job, and that is the daughter of the President,” dagdag pa ni del Rosario.

Si Bayambang Mayor Cezar Quiambao, ang itinalagang pangulo ng HPS Pangasinan chapter. Si Binalonan Mayor Ramon Guico, Jr. ang VP for finance; si Vici Ventanilla ang VP for operations; si Von Mark Mendoza ang VP for external affairs; at si Darwina Sampang ang secretary at spokesperson.

Magsisilbi namang board of advisors ng chapter sina Rep. Ramon Guico III, Vice Gov. Mark Lambino; dating Alaminos City mayor Arthur Celeste; dating Rep. Mark Cojuangco; at Deputy Speaker Conrad Estrella III.

Sinabi ni Guico III, na tatakbo sa pagka-gubernador na naipakita ni Duterte-Carpio ang uri ng pamumuno nito sa magandang katayuan ng Davao City.

Ganito rin ang punto ni Quiambao na umaasa na magbabago pa ang desisyon ni Duterte-Carpio at tatakbo ito sa pagkapangulo.

TELETABLOID

Follow Abante News on