Isang five-year recovery plan ang binubuo ni dating Speaker Alan Peter Cayetano upang matugunan ang mga problemang dala ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Cayetano, kasama nito sa pagbalangkas ng plano si Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte at matatapos na nila ito sa loob ng isa o dalawang linggo.
Kasama umano sa plano ang mga kasalukuyang programa ng gobyerno gaya ng pagbili ng floating hospital at livelihood program na may simpleng proseso para mas madaling maintindihan at malaman ng publiko.
“Maraming magagandang programa eh, hindi lang alam ng tao minsan,” dagdag pa ng dating lider ng Kamara.
Sa mahigit P500 bilyong dagdag sa budget ng gobyerno sa susunod na taon, sinabi ni Cayetano na dapat dagdagan ang pondo sa mga kasalukuyang programa ng gobyerno.
Isinusulong din ni Cayetano ang pagbibigay ng dagdag na ayuda sa bawat pamilyang Pilipino na makakatulong din umano sa pagpapagulong ng ekonomiya. (Billy Begas)