Tatlo na ang nagdeklara ng kandidatura sa pagkapangulo sa 2022, ngunit wala sa mga ito si Bise Presidente Leni Robredo, na pangunahing pambato mula sa oposisyon.
Kaya naman, sa nalalapit na filing ng certificate of candidacy, nag-ingay sa Twitter ang mga taga-suporta ni Robredo para himukin siyang magdesisyon na at tumakbo sa pagkapangulo.
Bitbit ang #LabanLeni2022, kanya-kanyang tweet ang mga netizen para lumikha ng ingay at sa gayon ay lumakas ang loob ni Robredo na tanggapin ang hamon ng pagkapangulo.
Una ng sinabi ng bise presidente na bukas siyang tumakbo kung siya ang magiging pambato ng isang united opposition.
Gayunman, ang kanyang mga kinausap tungkol sa united opposition na sina Senador Ping Lacson, Senador Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno ang sila ring nagdeklara ng kandidatura sa pagkapresidente.
Kaya naman, gayun na lamang ang panawagan ng mga netizen para tumakbo si Robredo.
Habang sinusulat ang istoryang ito, ang #LabanLeni2022 ay humakot na ng mahigit 35,000 tweets. (MJD)