Sinisi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang mga ospital sa mga pagkukulang sa kanilang pag-uulat tungkol sa emergency room admission rate sa bansa.
Ang emergency room admission rate ang isa sa mga pinagbabatayan ngayon sa pagpapatupad ng alert level system sa Metro Manila.
Ngunit kamakailan ay pinuna ng Healthcare Professionals Alliance Against Covid-19 ang kakulangan sa mga datos ng DOH patungkol sa nasabing admission rate.
Paliwanag naman ni Vergeire, sa mga ospital nagsisimula ang kakulangan sa mga inuulat nilang datos.
“Naririnig po natin ang mga health professionals natin sa kanilang rekomendasyon. Nakapag-usap na po tayo with them. May mga kaunting challenges lang po talaga ang national government for us to be able to get the necessary data especially when it comes to emergency room admissions,” wika ni Vergeire.
“Tayo po ay kumokolekta nyan, may dates po tayo, but ang atin pong challenge is the compliance of hospitals in submitting this emergency room data,” dugtong pa ng DOH spokesperson.
Bukod dito, sinabi rin ni Vergeire na mas mahirap ang kanilang ginagawa dahil datos sa buong bansa ang kanilang kinokolekta.