WebClick Tracer

Dagdag na 2 barko ng PCG suportado sa Kamara

Suportado ng isang lider ng Kamara de Representantes ang plano ng Philippine Coast Guard (PCG) na bumili ng dalawa pang French-made high-endurance offshore patrol vessels (OPVs).

Ayon kay House Committee on Strategic Intelligence chairperson at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, makatutulong ang pagbili ng dalawa pang 84-meter OPV upang mapalakas ang PCG sa pagbabantay sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone (EEZ) sa West Philippine Sea.

Tinatayang nagkakahalaga ito ng P11.2 bilyon.

Iginiit ni Pimentel na ang mga PCG patrol boat at warship ng Philippine Navy ay magkaiba.

Ang PCG ang nagpapatupad ng marine environmental protection law at humuhuli sa mga foreign poachers samantalang ang warship ay nagbabantay sa bantang pananakop at nagpapanatili ng kalayaang dumaan sa karagatan.

Ang unang 84-meter OPV ng PCG ay binili sa French shipbuilder OCEA S.A. sa halagang P5.6 bilyon. Ito ay dumating noong nakaraang taon at tinawag na BRP Gabriela Silang.

Sa susunod na taon ay darating naman sa bansa ang dalawang 94-meter multi-role response vessels (MRRVs) na binili sa Mitsubishi Shipbuilding Co. Ltd. ng Japan. Nagkakahalaga ito ng P6.7 bilyon.

“As far as we’re concerned, the money that we’re spending for these new PCG vessels is a sound investment in keeping our coastline safe and protecting our rich marine resources for the enjoyment of future generations of Filipinos,” punto ni Pimentel.

Bumili rin ang PCG ng 10 44-meter MRRV mula sa Japan Marine United Corp. sa halagang P8.8 bilyon. Ang unang barko ay dumating na sa bansa.