WebClick Tracer

Zambales mayor, PCG pumalag! Mga Pinoy mangingisda ‘di hinaharang sa Scarborough

Pinabulaanan ng Philippine Coast Guard (PCG) at ni Masinloc, Zambales Mayor Arsenia Lim ang report ng isang foreign correspondent na hindi na naman umano pinapayagang makapasok sa Scarborough Shoal ang mga mangingisdang Pinoy.

Sa regular press briefing sa Malacañang, iniharap din ni Mayor Lim ang mga may-ari ng fishing boat kung saan pinabulaanan ang report ng isang Virma Rivera.

“Mr. Secretary dinala ko po sila rito para makausap ninyo mismo. Wala pong katotohanan ang report at yung isyung pinupukol nila sa atin ay 2018 pa, inilabas iyan noong 2019 elections,” ani Mayor Lim.

Nakakarating aniya ang mga mangingisda sa Scarborough Shoal at minsan ay lumalampas pa, patunay na maraming sariwang isda sa kanilang bayan.

Sinabi naman ni PCG Commodore Armando Balilo na wala silang natatanggap na report na pinagbawalang mangisda sa lugar at katunayan aniya ay mayroong mangingisdang nakapasok sa loob mismo ng Bajo de Masinloc.

Maging ang lokal na opisyal sa Bolinao, Pangasinan ay itinanggi ang ulat na pinagbawalan ang kanilang mga mangingisda at wala rin umanong grupong Bigkis Mangingisda sa kanilang lugar na siyang source ng report.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kailangang malaman ang katotohanan at hindi dapat basta-basta nagpapaniwala sa tsismis.

“Kailangang ilabas natin ang katotohanan dahil maraming manlilinlang. Ano kaya ang motibo nila kung bakit nila nilalabas itong issue na ito ngayon?” ani Roque.

TELETABLOID

Follow Abante News on