Patay ang mag-ama matapos umanong manlaban sa isang search warrant na ikinasa ng pulisya nitong Huwebes sa Pikit, North Cotabato.
Kinilala ang mga suspek na si Datu Ronnie Mangansakan, at anak nitong si Banji, pawang mga residente ng Barangay Macasandag.
Dakong alas-6:00 a.m. umano tinunguhan ng pulisya ang mga suspek nang bigla silang paputukan ng mga ito, kaya naman nauwi sa shootout ang operasyon.
Nang mapatay na ang dalawa ay nakuha sa kanilang kuta ang shabu na may halagang P1.3 milyon, isang M16, isang M14 at mga bala.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 12 director Naravy Duquiatan, high-value target ang mag-ama sa naturang probinsya.
Naaresto rin sa operasyon sina Gutierrez Abit at Nissan Mangansakan, na pinaghihinalaang kasabwat ng mag-ama sa mga gawain tungkol sa iligal na droga. Naroon din kasi sa pinangyarihan ng shootout ang dalawa.


