WebClick Tracer

Panelo pumatol kina Agot, Enchong

“Tatakbo ba kayo?”

Usisa ito ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo kina aktor Enchong Dee at singer-aktres Agot Isidro na nagsalita sa isyu ng prangkisa ng ABS-CBN.

Magugunitang may sey sina Agot at Enchong sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kahit pa mabigyan ng prangkisa ang Kapamilya network ay haharangin niya ito.

Sinabi rin ni Duterte na hindi niya papayagan ang National Telecommunications Commission (NTC) na mag-isyu ng lisensiya para umere ang ABS-CBN hangga’t hindi nababayaran ng huli ang umano’y hindi bayad na buwis nito sa gobyerno.

Punto noon ni Isidro, “Siya talaga nagpasara sa ABS-CBN. Hindi ang kongreso, hindi ang NTC. Si Duterte. Utos niya, simula’t sapul.”

Tweet naman ni Dee, “Andyan ka pa rin?? Hoy gising! Ang daming Pilipino naghihirap ngayon, yun muna unahin natin. Kahit wala kaming franchise nakakapagbigay-serbisyo kami.”

“Kayong dalawa, Agot Isidro at saka itong batang-bata na kababayan natin na si Enchong Dee na nagbigay na naman ng kanilang mga pahayag, dismayado daw sila. Bakit naman daw itong si Presidente, sasabihin na hindi niya papayagan na mag-operate kahit may prangkisa?” wika ni Panelo sa kanyang programa, Biyernes.

“Mahilig din itong dalawang ito pumasok ‘no. Ano ba kayo? Tatakbo ba kayo congressman? Tatakbo ba kayong konsehal o barangay kapitan?”

“Eh hindi pa nga ninyo alam kung ano puno’t dulo, basta na lang kayo pumapasok. Papakinggan ninyo muna. Know your facts. Research bago kayo magsalita,” payo niya pa.

Samantala, sinabi ni Panelo na tatalakayin niya pa sa kanyang programa ang sinasabing tax obligations ng media company, kapag narebyu na aniya niya ang ilang dokumento.

TELETABLOID

Follow Abante News on