WebClick Tracer

ALAMIN: 21K iaalok na trabaho sa ‘Pinas, abroad

Lampas 21,000 trabaho sa Pilipinas at sa ibang bansa ang iaalok sa 2-day online job fair ngayong linggo.

Ayon sa news release kahapon ng Department of Labor and Employment (DOLE), magsasagawa ang kanilang Bureau of Local Employment (BLE) at ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng “Balik-trabaho e-jobs and online jobs fair” sa Disyembre 10 hanggang 11.

Hinikayat ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang mga jobseeker na lumahok sa online job fair, kung saan may mga bakanteng posisyon mula sa higit 600 domestic company at 16 lisensiyadong recruitment agency.

Karamihan sa mga job vacancy abroad ay para sa mga factory worker, nars, nursing aide, at care worker.

May mga bakanteng puwesto rin para sa mga engineer, CAD operator, telecommunications rigging technician, maintenance technician, karpentero, foreman, trabahador, at building cleaning worker.

Dagdag pa, mag-aalok din ng posisyon para sa mga supervisor, physical fitness coach, cake decorator, cook, food server, restaurant worker, waiter, waitress, counter service staff, at service staff.

Ang mga bansang may inaalok na naturang trabaho ay Singapore, Taiwan, Japan, Germany, New Zealand, Kingdom of Saudi Arabia, Qatar, Myanmar, Jordan, Ivory Coast, Lebanon, Ghana, Micronesia, Turks at Caicos, Palau.

Sabi pa ng DOLE, magsasagawa rin sa job fair ng career talk sa mga employer at industry leader para matulungan ang mga aplikante na makahanap ng trabaho, at makahikayat ng pag-iintindi sa work culture ng bawat kompanya.

Kailangan lang ng mga jobseeker, ani Bello, na ihanda ang online copy ng kanilang resume o curriculum vitae at iba pang application requirement, gaya ng certificate of employment para sa mga dating may trabaho, diploma, at transcript of records.

Para makita ang online job fair sa Disyembre 10-11, bisitahin ang POEA website sa www.poea.gov.ph .

Wika ng kalihim, isasagawa ang virtual job fair system bilang pagsunod sa limitasyon ng gobyerno sa mass gathering habang may pandemyang COVID-19.

TELETABLOID

Follow Abante News on