Arestado ang isang graphic artist at kasabwat na rider matapos mabuking sa pamemeke ng health certificate at travel pass na ipinagawa ng isang pulis, Biyernes ng hapon sa loob ng Greenhills Shopping Center, Greenhills, San Juan City.
Nahaharap sa kasong forgery, falsification of public documents at obstruction of justice ang mga naarestong suspek na sina Angelito Benipayo, 42-anyos, graphic artist at Laverne Esquivias, 32-anyos, Grab rider.
Batay sa nakalap na report mula kay Col. Jaime Santos, hepe ng San Juan City Police, inaresto ang mga suspek bandang alas-4:30 Biyernes ng hapon sa loob ng Burn and Jhoy Cellphone and Mobile Service na matatagpuan sa Unit L-34, Ground Floor Greenhills Shopping Center, Greenhills, San Juan City.
Inaresto ang suspek makaraang dumulog sa Sub-station 1 ng San Juan Police si Dardy Sasis, 32-anyos, Grab driver, para ipa-verify ang health certificate at travel pass ID ng kanyang asawa na ipinagawa umano sa isang tindahan sa Greenhills.
Ayon kay Col. Santos, agad na sinuri ang ID at napag-alamang pineke ito dahil naka-scan lamang ang pirma ng city health officer.
Agad na ikinasa ang entrapment operation na pinangunahan nina PCpl Mark Jayson Janoyan at Pat Rochello Corpuz ng Sub-station 1 dala ang P1,000 marked money para sa pakikipagtransaksyon sa suspek kasama ang nagrereklamong si Sasis.
Ayon pa sa report, nasa P700 ang halaga ng kanilang pekeng health certificate at travel pass na mabilis namang na-scan mula sa kanilang computer at agad na dinampot ang si Benipayo matapos ang nagawang ID habang inaresto na rin si Esquivias sa tangkang pagpipigil sa kanilang pag-aresto.