Negatibo sa coronavirus disease 2019 ang lahat ng players, coaches at staffs ng Blackwater Elite.
Pati utilities ng Elite ay isinailalim sa rapid testing sa Healthquest laboratory nitong Sabado.
“Negative lahat,” balita ni team manager Jacob Munez kahapon.
Naunang nagpa-test sina team owner Dioceldy Sy, alternate governor Siliman Sy at iba pang officials, pawang negatibo rin sa virus.
Kamakailan din, sumailalim sa testing ang lahat ng players mula sa tigatlong teams sa PBA ng Manny V. Pangilinan group at San Miguel Corp.
Mula players, coaches, staff at utilities ay nagpa-test din.
Negatibo sa virus ang mga nasa San Miguel Beermen, Ginebra at Magnolia Hotshots sa SMC, gayundin ang mga galing ng Meralco, NLEX at TNT ng MVP group.
Isa sa health protocols na mahigpit na ipapatupad ng PBA sakaling payagan na ang players na bumalik sa practice facility para mag-workout ay ang maya’t mayang testing para sa virus.
Hindi pa sumasagot ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa request ng liga na payagan na silang mag-ensayo. (Vladi Eduarte)