WebClick Tracer

Kean nakipagsagutan sa mga netizen sa COVID-19

Nitong Lunes lang ay nanawagan ang singer na si Kean Cipriano na makipagtulungan sana ang sambayanang Pilipino upang maiwasan na ang lalong pagkalat ng COVID-19.

“Ang pera, kayang kitain. Ang trabaho ay nahahanap, napapalitan. ANG BUHAY AY IISA LANG. We’re talking about humanity here. Paano tayo makakapagtrabaho at kikita ng pera kung buong Pilipinas may Covid-19. This is just temporary. Magtulungan tayo and we’ll make it through,” sabi niya.

Ngunit, iba ang naging interpretasyon ng nakararami sa kanyang sentimyento, kaya kinuyog ito sa Twitter.

“Sir be realistic po. Hindi lahat kayang gawin ang sinasabe mo,” daing ng isa.

“Not all filipinos have privileges like yours. Be considerate,” sabi pa ng isa.

Ikinalungkot ng singer ang ibang pagkakaintindi ng mga netizen sa kanyang pahayag, kung kaya’t bumuo ito ng mas mahabang mensahe upang ipaliwanag ang kanyang point of view.

“Wala akong masamang intensyon, all i’m saying is, let’s stay home for now. Ngayon na kumakalat ang virus,” wika ng singer.

Aniya, nagtatrabaho rin ang kanyang ina bilang isang government employee na hindi maiwasang mag-work from home lang dahil kailangan pa ring magtrabaho, gayundin ang mga kapatid niyang nagtatrabaho naman sa mga pribadong kompanya.

Pinakiusapan daw niya ang mga ito na sabihin sana sa mga nakatataas sa trabaho nila na dalhin nalang sana ang trabaho sa bahay.

“I feel helpless and terrified after I learned that they were still required to go to work & knowing that they could get sick na expose sila sa maraming tao,” dagdag pa niya.

Kaya raw niya ginawa ang post na iyon para manawagan sa mga kompanya at gobyerno na i-secure ang mga tao mula sa kumakalat na virus.

“I AM NOT PRIVELEGED. I’m just trying to help,” diin pa niya.

Ayon pa kay Kean, lahat ay apektado dahil wala namang pinipili ang virus.

“I’m not saying wag ka magtrabaho o palitan ang trabaho. Syempre kailangan magtrabaho.. pero ngayon, wag muna, kasi nga may virus,” paglilinaw pa ni Kean.

Sa huli, muli niya pinanawagan ang kooperasyon ng mga Pilipino upang hindi na madagdagan pa ang kaso ng coronavirus sa bansa.

Suportado naman ng ilan sa mga kaibigan sa industriya ang kanyang statement gaya nina Sam Concepcion at Kakai Bautista.

TELETABLOID

Follow Abante News on