WebClick Tracer

Greenhills Shopping Center, nilalangaw pa rin

Maluwag, tahimik at malamig ang mapapansin ngayon sa loob ng Greenhills Shopping Center matapos ang biglaang pagbaba ng bilang ng mga mamimili at namamasyal sa loob ng mall sa San Juan City.

Aminado naman si San Juan City Mayor Francis Zamora na malaki ang epekto sa ekonomiya ng San Juan dahil sa kakaunti na lamang ang taong dumadalaw sa Greenhills Shopping Center.

Ito ay matapos ang balitang isang carrier ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang nakitang naglilibot sa loob ng nasabing mall at palaging nasa Muslim Prayer Room.

Kaya naman marami ang nadismaya at natakot sa balitang nagawang makapag-ikot sa Greenhills Mall ng isang positibo sa coronavirus na isang 62-anyos na matandang lalaki at ngayon ay nasa pangangalaga na ng DOH-Research Institute for Tropical Medicine, maging ang mga kaanak nito ay isinailalim na rin sa quarantine.

Kaugnay nito, agad na ipinasara ni San Juan Mayor Francis Zamora ang sinasabing tinatambayan ng carrier na Muslim Prayer Room para i-disinfect, maging ang buong mall ay isinailalim na rin sa sanitation subalit walang balitang ‘lockdown’ o ipinasara ang buong mall.

Patuloy naman ang isinasagawang paglilinis at pag-sanitize ng paligid ng mall sa loob at labas para masiguro na mapupuksa ang virus na dulot ng COVID.

Maging ang lahat ng paaralan sa San Juan ay siniguro na rin ang kalinisan at pag-disinfect na para sa pagbabalik ng mga mag-aaral ay malinis na.

Ayon pa kay Mayor Zamora, naglaan sila ng canon misting para sa pag-disinfect at sanitation sa mga barangay sa San Juan.

Ang canon misting ay kargado ng chlorine solution na may mataas na lebel ng broad spectrum biocide na kayang pumatay ng anumang uring virus kabilang na ang COVID-19.

TELETABLOID

Follow Abante News on