Pangalan pa lang ng San Miguel Beermen pagpasok ng PBA Philippine Cup ay nanginginig na ang lahat ng koponan.
Paano ba naman kasi ay limang sunod-sunod nang sinusungkit ng koponan ni coach Leo Austria ang kampeonato sa nasabing conference, hindi matibag ang dinastiya ng San Miguel kapag walang import ang labanan.
Ngunit mag-iiba ang sitwasyon ngayong 2020 PBA season.
Patapos na ang training session ng San Miguel noong February 3, ilang minuto na lang ay makakauwi na ang lahat, ngunit sa ilang saglit lang ay biglang nagbago ang mood sa ensayo.
Nasa dulo na nang scrimmage ng SMB, nasa court na ang koponan nang isenyas na ni head coach Leo Austria ang huling play sa kanyang mga manlalaro nitong Lunes.
Nakangiti si five-time NBA MVP June Mar Fajardo nang kanyang manakaw ang isang pasa, tumakbo patungong basket para sa open layup.
Ngunit ang ngiting ito ay napalitan agad ng hinagpis.
Biglang bumagsak sa sahig si ‘The Kraken’, kita ang sakit sa kanyang mukha na kinabigla ng kanyang mga teammate, coaching staff at iba pang tao sa Acropolis gym.
“It was heartbreaking. You could hear a pin drop in this gym when that happened,” ayon kay longtime SMB guard Alex Cabagnot.
“Right now, we’re just worried about June Mar. We’re just trying to get June Mar back healthy and back in his element,” pahayag naman ng two-time PBA Finals MVP na si Chris Ross.
Nang patingnan ang iniida ni Fajardo, napag-alaman na ito’y fracture sa kanang tibia, isang malaking buto sa bandang binti.
February 4 ay kaagad na pina-surgery ang baling buto ni Fajardo, at dadaan sa mahabang rehabilitation na tatagal ng ilang buwan.
Dahil dito’y pahinga muna si Fajardo sa kabuuan ng Philippine Cup, at posibleng pati ang ilang international competition ay matamaan dahil sa injury ni ‘The Kraken’.
Ngayon ay magkukumahog ang Beermen na maghanap ng big man na hahalili sa maiiwang pwesto ni Fajardo sa paint.
Kung hindi naipamigay si Christian Standhardinger sa NorthPort ay hindi sana ito magiging problema para sa SMB.
Sa unang season ni C-Stan sa Batang Pier ay nanalo agad ito para sa Best Player of the Conference award at nakapasok pa ang kanilang koponan sa semifinals, ngunit naharangan lang ng eventual champions na Ginebra San Miguel.
18.82 points, 13.64 rebounds at 1.18 block ang kailangan punan sa pagkawala ng San Miguel, at ngayon ay tatatlo lang ang big man sa roster ng San Miguel.
Ang una sa listahan na pwedeng humalili kay June Mar ay ang nakuha nila sa Standhardinger trade na si Moala Tautuaa.
Sa unang season nito sa San Miguel ay pinatunayan naman nito na kaya niyang maging maayos na backup para kay ‘The Kraken’.
Sa nakaraang conference ay nag-average ito ng 11.33 points, 8.83 rebounds at 2.33 assists, na kung titingnan ay malayo man sa numero ni Fajardo ngunit dati nang tinagurian si Mo na ‘second coming’ ni Asi Taulava at hindi malayong ipakita nito ang potensyal kapag nabigyan ng oportunidad.
Isa pang magagamit ng Beermen sana ay si Kelly Nabong, na kilalang enforcer ng liga, ngunit nadawit sa gulo matapos manapak ang dating import na si Dez Wells kaya matapos ang Governor’s Cup ay na-trade pabalik sa NorthPort kapalit si Russel Escoto.
Si Billy Mamaril na ang susunod na big man para sa SMB, ngunit sa edad nitong 39-years old ay posibleng hindi na makalaro ng long minutes kaya malaki ngayon ang pangangailangan ng San Miguel sa sentro.