WebClick Tracer

Mga pulis nang-spray ng tubig na may sili – Deboto ng Nazareno

Nireklamo ng isang deboto ng Itim na Poong Nazareno ang ginawa umano ng ilang nagbabantay sa andas sa kasagsagan ng Traslacion.

Ayon kay Bong Encarnado sa panayam sa CNN Philippines, hindi nakalapit ang mga deboto sa andas dahilsa ginagamit na pang-spray ng mga nagbabantay sa imahe.

“Nasorpresa ang mga deboto kasi bukod sa mahigpit sila, ginamitan nila kami ng spray,” ayon kay Encarnado.

Sa mata umano tinututok ang nasabing spray, na ayon sa deboto ay tila gawa sa tubig na hinaluan ng sili at mga 10 minuto bago maka-recover sa pagkakahirap makakita.

“May nagbe-break dun ng barrier, pinilit ng deboto na makalusot dahil gawa nga noong sobra silang higpit. Hindi nila kinaya yung lakas ng deboto pero hindi pa rin na-break yung wall nila. Ang ginawa kasi nila nang-ispray sila sa mga mata,” saad pa nito.

Tingin pa nito, mga pulis umano ang nang-spray dahil ito ang nasa frontline na tagabantay sa andas.

“PNP [ang nag-spray]. Yung frontliner nila yung naka-blue na pulis tapos second liner nila naka-fatigue. Ang nang-spray samin yung nasa unahan,” aniya pa.

Hindi naman na magsasampa ng reklamo si Encarnado at ipapaubaya na lang sa Nazareno at kay Manila Mayor Isko Moreno ang kahihinatnan ng mga nang-spray sa Traslacion.

Ngunit pakiusap nito’y sana ay hindi na muling maulit ang nangyari.

“Sa 26 years naming namamanata, ngayon lang nangyari sa’min ito. Kasi kung dati malaya kaming nakakalapit sa andas, balyahan, dikdikan, sanay kami diyan, pero ‘yung gagamitan kami ng spray, mali,” hiling nito.

TELETABLOID

Follow Abante News on