118

By

2019 national budget iaakyat na kay Duterte

Mapapapirmahan na kay Pangulong Rodrigo Duterte para maging batas ang panukalang pambansang badyet para ngayong 2019 na P3.757 trilyon.

Ito ay dahil niratipikahan na ng Senado at Kamara ngayong gabi (Pebrero 8) ang Bicameral Conference Committee report.

Sa Senado, naaprubahan ang report sa botong 15 pabor, 5 tutol at walang abstention.

Bumoto kontra sa pag-aprub ng badyet sina Senador Panfilo Lacson, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Risa Hontiveros at Sen. Bam Aquino.

Bumoto naman ng pabor sina Senate President Tito Sotto, Sen. President Pro Tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Sen. Loren Legarda na chairman ng Senate Committee on Finance, Sen. Chiz Escudero, Sonny Angara, Koko Pimentel, Richard Gordon, Gregorio Honasan, Sherwin Gatchalian, Manny Pacquiao, JV Ejercito, Joel Villanueva, Grace Poe at Nancy Binay.

Walang boto dahil absent sa sesyon sina Senadora Cynthia Villar at Senador Antonio Trillanes IV.

Bago naratipikahan, nagtalumpati sina Lacson at Drilon kontra sa pag-aprub ng badyet.

Sinabi ni Lacson na may “pork at cholesterol” ang badyet habang sinabi ni Drilon na hindi siya sang-ayon sa madaliang pagpapaapruba sa badyet at sa nakasiksik ditong pork barrel ng mga kapwa senador at mga kongresista.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?