WebClick Tracer

Pagpaslang kay Batocabe, nagdulot ng panawagan na dagdag-proteksyon sa mga abogado

Dahil sa mga naganap na pagpatay sa mga abogado, kabilang na ang pagpaslang kay Ako Bicol party-list Representative Rodel Batocabe, naglunsad ng online petition ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) para manawagan sa Korte Suprema na kumilos para matiyak ang mabilis at patas na imbestigasyon sa mga nasabing kaso.

Ang online petition ay nalagdaan na ng 78 mga abugado.

Sa nasabing petisyon, hinihimok ng IBP si Chief Justice Lucas Bersamin na gumawa ng agarang aksyon para protektahan ang mga abogado.

“Via an open online petition, beginning with seventy-eight (78) lawyers who agreed to append their names thereto, we respectfully urge the Supreme Court of the Philippines, through the Honorable Chief Justice, to take immediate action to protect lawyers in the Philippines as they perform their function to protect their clients’ rights and uphold the rule of law,” bahagi ng statement ng IBP na pirmado ni IBP President Abdiel Dan Elijah Fajardo.

Nais ng grupo na gumawa ng hakbang ang Korte Suprema para matiyak ang independyenteng imbestigasyon sa lahat ng mga kaso ng pagpaslang sa mga abugado magmula noong June 30, 2016 o nang magsimula ang Administrasyong Duterte.

Nananawagan din sila na magkaroon ng dayalogo sa pagitan ng Korte Suprema, IBP, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, iba pang ahensya ng gobyerno, mga civil society organization at iba pang grupo ng mga abugado na ang layunin ay ang pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng mga tagapagtaguyod ng batas.

Kasabay nito, nagpahayag din ang IBP ng pagkagulat at pagkabahala sa sinapit ni Batocabe na binaril ng mga hindi pa tukoy na salarin sa Albay noong December 22, 2018.

Iniulat din ng IBP na noong December 21, tinambangan ang isa pang myembro ng IBP sa Negros Occidental na si Erfe Del Castillo, pero nakaligtas siya sa pamamaril.

Noon lang din nakalipas na buwan, pinaslang si Atty. Benjamin Ramos ng dalawang hindi pa tukoy na salarin sa Kabankalan City, Negros Occidental. Si Ramos ay myembro ng National Union of People’s Lawyers at aktibong tumutulong sa mga pamilya ng napaslang sa Sagay massacre noong Oktubre. / MARICEL DIAZ

TELETABLOID

Follow Abante News on