WebClick Tracer

Pambato ng Oposisyon Koalisyon sa Senado, ibinida na sa madla

Dinagsa ng mga tagasuporta ng Oposisyon Koalisyon ang Parang, Marikina ngayong Miyerkoles para saksihan ang pagpresenta sa mga tatakbong senador sa ilalim ng oposisyon.

Binuksan ni Marikina Congressman Romero ‘Miro’ Quimbo ang programa sa pagpapakilala at pagtanggap sa mga kaalyado ng Liberal Party.

Malugod din niyang ipinagmalaki ang taos-pusong suporta ng mga taga-Marikina sa Partido Liberal mula pa noong panahon ni Cory Aquino.

“Malugod namin kayong tinatanggap sa aming lugar.We welcome you, We welcome you because this is the home of the opposition,” saad ni Quimbo.

Sinundan ng pagpapalabas ng maikling video, na ayon sa oposisyon, ay nagpapakita ng kalagayan ng Pilipinas sa ngayon.

Isa-isa nang pinakilala ang mga kakandidatong senador sa ilalim ng Opposition Coalition na kinabibilangan ng Dean ng Dela Salle University College of Law na si Jose Manuel ‘Chel’ Diokno na binigyang diin ang isyu ng hustisya sa bansa.

Kasama rin si Samira Gutoc na dating miyembro ng Bangsamoro Transition Commission na siya namang tumitindig para sa karapatan ng mga Filipino laban sa karahasan.

Isinalaysay niya ang mga karanasan sa bayan ng Marawi sa ilalalim ng Martial Law at ang sarili niyang karanasan sa pagbabakwit.

Ipinakilala naman ang beteranong election lawyer na si Romulo Macalintal bilang ‘Mr. Senior Citizen’. Pokus ng abogado ang karapatan ng mga senior citizen sa bansa.

Sunod na ipinrisenta ay si dating Senador Mar Roxas na ipinadala ang mensahe sa pamamagitan ng video kung saan ay ibinida ang mga nagawa at ang ilan niya pang proyekto.

Pinakilala rin sa ilalim ng opposition slate si Erin Tañada na dating house deputy speaker.

Binigyang diin niya ang kahalagahan ng boses ng mga magsasaka, manggagawa at iba pang mga nasa laylayan ng lipunan. Saad niya na dapat umanong pakinggan ng gobyerno ang hinaing ng mga mamamayan.

Isa rin si Atty. Florin Hilbay ng Tondo, Manila na isang ekonomista at abogado, na sinabing pagtutuunan ng pansin ang isyu ng kahirapan sa bansa, at ang karanasan niya bilang solicitor general ni dating Pangulong Noynoy Aquino kung saan ay kanyang ipinaglaban umano ang West Philippine Sea.

Samantala, ipinakilala ni Gary Alejano bilang isang magiting na sundalo na tapat sa tungkulin. Isinalaysay ni Alejano ang mga karanasan sa digmaan na nagtulak umano rito sa isang misyon na ipagtanggol ang mga mamamayan. Ipinaliwanag nito ang mga pinagdaanan ng Magdalo noong panahon na nag-aklas ito laban sa gobyerno.

Huli namang ipinakilala ang nagsulong ng Free College Law at ilan pang batas na si Senator Bam Aquino. Malugod na binati ni Bam Aquino ang mga taga-suporta at inilahad ang mga plano para sa bansa.

“Ang grupong ito ang siyang magtataguyod ng mga pangarap ng ating bayan.” ani Bam Aquino.

“Hindi po tayo pwedeng tumahimik. Hindi po tayo dapat matakot dahil meron pa po tayong pangarap para sa ating bayan…” dagdag pa nito.

Ibinahagi nito sa mga tao ang pangarap nitong maging maunlad ang bayan na walang sinumang mamamayan ang maiiwan.

“Kailangan po natin isang bayan na umuunlad hindi lang po yung iilan ang nakakaranas nito kundi yung lahat tayo…”saad ni Aquino.

Nagbigay rin ng pahayag si Vice President Leni Robredo at binati ang lahat ng iba’t ibang grupo na sumusuporta sa oposisyon. Ipinahayag niya na buhay na buhay ang oposisyon sa paninindigan at pakikipaglaban. Aniya iba’t iba man ng kulay ang nakikita natin ay isang bansa tayo.

“Pero kahit po iba-ibang yung kulay, iisa ang nagbubuklod sa atin, ang ating pagmamahal sa bayan.” saad ni Robredo.

Dagdag pa niya’y iba’t iba man ang ipinaglalaban ng walong senador ng opposition coalition lahat sila’y hindi matatawaran ang kakayahan hindi lamang sa salita kundi maging sa ipinakita ng mga itong track record.

TELETABLOID

Follow Abante News on