WebClick Tracer

Pagpunta ni Esperon sa CIA dahil kay Trillanes, sinopla ni Go

Itinanggi ng Malacañang ang ulat na pinapunta ni Pangulong Rodrigo Duterte si National Security Adviser (NSA) secretary Hermogenes Esperon sa Virginia, United States of America, partikular sa headquarters ng Central Intelligence Agency o CIA.

Kasunod ito ng ulat na umano’y plano ni Senator Antonio Trillanes IV na kumilos laban sa pamahalaan kasabwat ang CIA.

Sinabi ni Special Assistant to the President Bong Go na walang batayan ang balita dahil si Esperon ay kasama nila sa biyahe sa Israel at Jordan.

Hanggang sa pagbalik aniya nila sa Pilipinas ay kasama nila si Esperon kaya walang katotohanan na ipinadala ang opisyal sa CIA Headquarters sa Amerika.

“Hindi po, wala pong ganoong balita. Kasama namin si Secretary Esperon na umuwi ng Pilipinas noong nakaraang araw, noong Sabado. All throughout the trip po eh kasama namin,” ani Go.

Pero kinumpirma ng kalihim ang planong destabilization laban sa kasalukuyang gobyerno mula sa Kilusang Komunista at sinakyan ng iba’t ibang grupo kasama na ang oposisyon.

Kampante naman ang Malacañang na hindi masasangkot ang militar sa planong destabilization dahil propesyunal ang mga ito at sumusunod sa chain of command.

TELETABLOID

Follow Abante News on