WebClick Tracer

Atom Araullo susundan ang food waste trail ngayong Linggo

abante-tnt-vismin-atom-araullo

Ngayong Linggo (August 26), samahan si Atom Araullo sa pagtuklas kung paano nasasayang ang mga pagkain mula sa produksyon hanggang sa makarating ito sa ating mga hapag sa episode ng The Atom Araullo Specials na “Lamang Tiyan: A Food Waste Trail.”

Nasa 7.3 milyong Pilipino ang nagsabing wala silang sapat na pagkain o food poor, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Station. Sa kabila ng dami ng nagugutom, isa sa mga problema ngayon sa Pilipinas ang dami ng itinatapong pagkain o ang food waste.

Katunayan, nasa halos 300,000 metriko tonelada ng bigas ang natatapon sa buong bansa kada taon—sapat na dami para pakainin ang dalawang milyong nagugutom na Pilipino.

Sa Samar na matatagpuan ang pinakamahirap na probinsya sa bansa, nakilala ni Atom ang mga kabataang nakararanas ng matinding gutom—wasted o stunted kung sila’y tawagin. Malungkot na katotohanan dahil kung tutuusin ay kaya na sana silang pakainin ng pagkaing itinatapon natin.

Naglakbay rin si Atom sa Benguet, ang itinuturing na vegetable basket ng bansa. Dito natuklasan niya ang tone-toneladang gulay na itinatapon matapos hindi makapasa sa quality control o ma-reject ng mga nagbebenta. Ang ilang toneladang basurang gulay, diretso naman sa isang composting facility.

Sa Tondo, Maynila, pagpatak ng dilim, simula na ng pangongolekta ng ilang residente ng iba’t ibang kalakal sa mga restaurant kabilang na ang tinatawag na pagpag o basurang pagkain. Pagpasok sa bagsakan ng pagpag, isang tila maliit na sistema ang binuo nila: may tagapili, tagabenta, at tagapagluto ng pagpag gaya ni Aling Rosita. Ang mga itinapong manok, nagagawan niya ng bagong putahe.

Bilang bahagi ng kampanya para mabawasan ang food waste at gutom sa bansa, inilunsad ng non-government organization na Rise Against Hunger Philippines, ang kauna-unahang food bank sa bansa: ang Good Food Grocer. Nangongolekta sila ng mga pagkain at iba pang produkto mula sa iba’t ibang kumpanya na hindi na nila ibinebenta. Pagdating sa Good Food Grocer, maaaring makakuha ang mga indigent o pinakamahihirap ng libreng pagkain. May feeding program din sila para sa mga kabataan.

Samahan si Atom Araullo sa isang makabuluhan at malalim na pagtalakay sa isyu ng food waste sa Pilipinas sa The Atom Araullo Specials, ngayong August 26 na, 4:30 p.m. sa GMA 7.

TELETABLOID

Follow Abante News on