Isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang naputulan ng kaliwang paa nang madamay sa banggaan ng pampasaherong bus at kotseng Innova sa Quezon City.
Ayon kay Dexter Cardenas, hepe ng Traffic Operations Division, galing ang bus sa Farmers Tuazon habang mula naman sa Sta. Mesa ang AUV nang nabangga ng bus ang pribadong sasakyan na pumihit at naging dahilan kaya nabundol at naipit ang paa ng biktima na nakilalang si Emmanuel Abache, traffic enforcer ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng lungsod.
“Nabangga ng bus ‘yung Innova. Tapos ‘yung Innova naman ay sumalpok din kay Abache na nakatayo sa ilalim ng poste ng MRT habang nagmamantine ng trapiko at naputol ‘yung kaniyang paa instantly. Naipit ‘yung left side portion ng Innova sa paa ng traffic enforcer,” ayon kay Cardenas.
Agad na isinugod sa Quezon City General Hospital ang biktima kung saan sinusubukan ng mga doktor na isalba ang naputol nitong paa. Nakatakda rin umanong isailalim sa Magnetic Resonance Imaging (MRI) scan ang nasabing traffic enforcer.
Dahil dito ay pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga motorista na sumunod sa mga traffic enforcer na nagmamantine ng trapiko at sundin din ang mga batas trapiko upang maiwasan ang ganitong aksidente.
“Sana respetuhin po natin ‘yung ating mga traffic enforcer, give courtesy to ating mga kapwa drivers. Always follow traffic rules and regulations,” ani Cardenas sa isang panayam.
Nabatid na tumutulong na ang MMDA para imbestigahan ang nasabing sakuna sa pamamagitan ng kuha nila sa metro base.
“Ang tanging magagawa natin dito siguro mama-maximize natin ‘yung kuha sa MMDA metrobase. ‘Yun lang ho ‘yung kaya nating ibigay,” ayon naman kay MMDA spokesperson Celine Pialago.
(Dolly Cabreza)