WebClick Tracer

Duterte binigyan ng libro ni Baldwin

Sari-saring isyu ang napag-usapan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Hollywood actor-film director Stephen Baldwin matapos mag-courtesy call sa Pangulo ang aktor kahapon.

Si Baldwin ay nasa bansa para gawin ang pelikulang “Kaibigan” na ang sentro ng kuwento ay ang iligal na droga.

Sinabi ni Special Assistant to the President Bong Go na pinuri ni Baldwin ang mataas na trust rating ng Pangulo na indikasyon aniya ng matagumpay nitong leadership style.

Sinabi ng Pangulo na tinupad lamang nito ang ipinangako sa mga Filipino — na labanan ang iligal na droga, katiwalian at ibalik ang kaayusan at kapayapaan sa bansa.

Pero sa umpisa aniya ng meeting ay tinanong ni Baldwin ang Pangulo kung ano ang masasabi nito sa engagementng kanyang anak na si Hailey sa Canadian singer at songwriter na si Justin Bieber.

Sinagot ng Pangulo ang Hollywood actor na hangga’t naniniwala si Bieber sa sakramento ng kasal ay wala itong dapat na ipag-alala.

Ipinaliwanag ni Baldwin sa Pangulo na ang kanilang gagawing pelikula ay mag-iiwan ng malakas na mensahe sa mga kabataan partikular ang magiging konsekuwensiya ng maling mga desisyon sa buhay.

Sinabi ni Go na naniniwala aniya si Baldwin na ang pelikula ang isa sa epektibong paraan para isulong ang adbokasiya at kapag naagapan ang bisyo sa iligal na droga ay magiging madali ang paggampan sa trabaho ng mga taga-gobyerno lalo na ang Presidente.

Binigyan aniya ni Baldwin ang Pangulo ng librong may pamagat na “The Unusual Suspect”, at nangako naman ang Presidente na hahanap ito ng pagkakataon para basahin ang libro.

Sinabi ni Go na tiniyak ng Pangulo kay Baldwin na bukas ang Pilipinas sa aktor at nangako na papanoorin ang pelikula nito na ipapalabas sa Oktubre o Nobyembre.

Kasama sa pelikula sina PCOO Assistant Secretary Mocha Uson at Go kung saan ang papel nito ay basketball coach sa kambal na Perkins. ()

TELETABLOID

Follow Abante News on