WebClick Tracer

Cabinet secretary, ipinapa-lifestyle check ni Duterte

Sumasailalim ngayon sa lifestyle check ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang isang cabinet secretary na malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang dalawang administrador ng gobyeno.

Sinabi ni PACC Commissioner at Spokesman Greco Belgica, na binigyan sila ng go signal ng Pangulo para i-lifestyle check at imbestigahan ang mga opisyal sa listahan na nagmula sa Office of the President.

Ang cabinet secretary ay malapit umano sa Pangulo pero tumangging pangalanan ito ni Belgica.

“Yan po ang direktiba ng ating Pangulo. Walang sisinuhin, walang pipiliin. May report kaming ibinigay sa Presidente at ibinalik sa amin, sabi “go” imbestigahan n’yo na ‘yan, fact find, i-lifestyle check kung kailangang i-lifestyle check,” ani Belgica.

Bukod sa iniimbestigahang secretary ay mayroon ding dalawang administrador na iniimbestigahan ng PACC dahil mayroon umanong pinaboran sa bidding, habang mayroon ding isang alkalde at bise-alkalde na sangkot umano sa pag-manufacture ng shabu.

“Irerekomendang masibak mga ‘yan. Linawin ko po ‘yung LGU. Ang jurisdiction niyan sa DILG kaya ipapadala ito kay Secretary Año o kay Undersecretary Diño,” dagdag pa ni Belgica.

Ang listahan ng PACC ay batay sa mga reklamo at sumbong na nakarating sa tanggapan.

Sinabi ni Belgica na halos 200 pangalan ng mga taga-gobyerno ang kanilang iniimbestigahan kasama rito ang maraming undersecretaries na sangkot sa katiwalian habang 15,000 complaints mula sa social media.

Bukod pa aniya ito sa 700 na reklamo na natanggap nila mula sa Office of the President.