WebClick Tracer

Senado lilipat sa sariling gusali sa Taguig sa 2021

ABANTE TONITE PING LACSON

Sigurado na umanong makakalipat ang Senado sa sariling gusali sa Taguig City sa Enero, 2021.

Sinabi ito ni Senador Panfilo Lacson, chairman ng Senate committee on accounts, matapos makipagpulong kanina sa limang kumpanya na nag-alok na magdisenyo ng Senate building.

Sa pulong, sinabihan ang limang kumpanya na magsumite hanggang sa Mayo 28 ng disenyo para sa magiging gusali na dapat ay “green, secure, functional at iconic.”

Kailangan din daw na flexible ang gusali para hindi lang iyon para sa 24 na senador kundi para sa magiging mahigit 60 senador sakaling matuloy ang pagsasalin ng gobyerno tungong federal form.

Sa disenyo ng limang kumpanya, pipili ang board of jurors ng Senado at ang mapipiling disenyo ay ibibigay sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na siyang magpapatayo ng gusali.

Kailangan umanong mag-umpisa ang konstruksyon ng gusali sa Enero 2019 at dapat matapos sa Disyembre 2020 upang agad nang magamit pagpasok ng taong 2021.

Itatayo iyon sa 18,230 square meters ng lote sa Navy Village, Fort Bonifactio na bibilhin ng Senado sa Bases Conversion Development Authority (BCDA).

Mula noong 1997, umuupa ang Senado sa GSIS ng higit P100 milyon kada taon na puwede sanang naipagpatayo na ng sariling gusali.

Mula naman noong Estrada administration, binalak ng Senado na magpatayo ng sariling gusali pero ngayon lang ito inaasahang matutuloy.

TELETABLOID