WebClick Tracer

Inter-agency TF laban sa mga colorum, umarangkada na

Sa hangarin na tuparin ang matibay na paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga kolorum na mga sasakyan, ilulunsad ngayong araw na ito ng Department of Transportation (DOTr) ang inter-agency task force na magpapatupad ng crackdown sa lahat ng mga kolorum na mga behikulo sa buong bansa.

Ang Task Force na ilulunsad sa punong -tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay itatatag sa mahigpit na patnubay ni Transportation Secretary Arthur Tugade na simula pa lamang ay aktibo nang nangangampanya laban sa mga kolorum na PUVs.

“Mag-modernize na tayo. Tapusin na natin ang mga trahedya, disgrasya, at kamatayan sa kalsada. Ayaw na nating makakita ng pamilyang nawalan ng miyembro dahil sa aksidente sa lansangan, lalo’t higit kung colorum ang nasakyan. Pati pamilyang maiiwan, madedehado dahil walang mahahabol na benepisyo,” sabi ni Tugade.

Ang task force ay pamumunuan ni DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Tim Orbos, at LTFRB Chairman Martin Delgra III bilang deputy commander and head of operations.

Ang iba pang key officials sa inter-agency task force ay sina LTO Chief Edgar Galvante, MMDA Chairman Danilo Lim, at PNP-HPG Director P/CSupt. Arnel Escobal.

Nangako naman na tutulong sa anti-colorum campaign ang Department of National Defense, National Telecommunications Commission, Armed Forces of the Philippines, Department of Justice, at ang Department of Interior and Local Government.

Sa kanyang parte ay hiniling ni Usec. Tim Orbos ang suporta ng publiko at hinimok na huwag tangkilikin ang mga kolorum na PUVs.

“Pwede ninyong isumbong sa amin yan. Pumunta kayo sa I-ACT Facebook page tapos i-click ninyo yung sumbong colorum. Ilagay ninyo yung litrato at lugar para mapahuli agad ‘yan,” sabi ni Orbos. “Maaring tingin niyo nakamura kayo o napabilis kayo, pero sa totoo lang hindi niyan matutumbasan ang buhay niyo. Sa oras ng disgrasya, ang tanging sigurado, wala kayong habol sa colorum kaya please lang ‘wag niyo na tangkilikin,” dagdag pa nito.

Sa kasalukuyan ay nakapagtala na ang Inter Agency Council on Traffic (i-ACT) ng mahigit 450 colorum PUVs na kanilang nahuli. Sa pamamagitan ng paglulusad ng bagong task force ay umaasa ang DOTr na tataas pa ang bilang ng mga mahuhuling pasaway na PUVs sa paniwalang ang suporta at kooperasyon ng taumbayan ang tuluyang makapaglalansag sa lansangan ng mga hindi ligtas at di otoridong uri ng transportasyon.

Ang pag-arangkada ng inter-agency task force ay inaasahang magbubunga ng magandang resulta simula ngayong Semana Santa.

TELETABLOID

Follow Abante News on