Hindi pa rin humuhupa ang dominasyon ni June Mar Fajardo sa PBA.
Papasok sa quarterfinals ng Philippine Cup, nangunguna pa rin ang San Miguel Beer big man sa statistical race para sa Best Player of the Conference.
Milya-milya ang laro ng Cebuano sa unahan ng karera, nag-a-average ng double-double na 22.8 points at 13.2 rebounds, may sahog pang 2.1 blocks, 1.8 assists at 0.6 steals per outing.
Suma-total ay ang average niyang 44.1 statistical points per game.
Nangunguna ang four-time MVP na si Fajardo sa scoring at rebounding, pangalawa kay JP Erram (2.9) ng Blackwater sa blocks.
Malayo sa likod ni Fajardo sa BPC race ang teammate na si Arwind Santos na may 37.6 SPs per game.
Nakumpleto ang top five kina Stanley Pringle (35.6) ng GlobalPort, Erram (35.3) at Japeth Aguilar (34.2) ng Ginebra.
Limang players pa ang may double-double averages pagkatapos ng elimination round ng all-Filipino.
Kasama rito sina Santos (16.3 points, 10.5 rebounds), Erram (14.2 points, 13.8 rebounds), Scottie Thompson ng Ginebra (11.2 points, 11.2 rebounds), Calvin Abueva ng Alaska (13.8 points, 10.4 rebounds) at Kelly Nabong ng GlobalPort (13.5 points, 11.2 rebounds).