WebClick Tracer

POEA: Mag-ingat sa fake documents sa pag-apply ng trabaho abroad

ABANTE fake documents abroad woork poea

Muling nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) laban sa paggamit ng mga pekeng dokumento sa pag-aaplay ng trabaho sa ibang bansa.

Ginawa ng POEA ang paalala kasunod ng mga ulat at sumbong ng mga dayuhang employer tungkol sa mga peke o niretokeng certificates of employment ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nadeploy sa Middle East at iba pang bansa.

Ayon sa POEA, sangkot pa nga sa ilang mga kaso ng pamemeke ng dokumento ang ilang mga lisensyadong recruitment agency para makatugon ang OFW sa hinihinging karanasan sa trabaho at training requirement ng mga employer.

Pero nang kumpirmahin umano ang impormasyon kaugnay sa mga naging trabaho ng nag-aaplay na OFW, lumitaw na ilan sa mga aplikante ay hindi naman sumailalim o hindi nakumpleto ang training program na nakasaad sa kangang papeles o di kaya ay hindi naman talaga nakapagtrabaho sa kumpanyang nag-isyu umano ng certificate of employment.

Nang dahil sa maling gawain, nahaharap tuloy ang mga OFW sa problema at may posibilidad pa na maipa-deport, makulong o kaya ay malagay sa blacklist na mangangahulugan na hindi na sila makapapagtrabaho sa ibang bansa.

Pinaalalahanan din ng POEA ang lahat ng mga lisensyadong recruitment agency na iyon lamang mga aplikante na may malusog na pangangatawan at may sapat na kasanayan ang dapat nilang iproseso.

Dapat din umanong maging mabusisi ang mga recruitment agency sa pagtukoy ng authenticity ng mga dokumentong isinusumite ng mga aplikante.

Babala ng POEA, may kaakibat na kasong administratibo at kriminal ang mga mahuhuling lumalabag sa batas at panuntunan sa overseas employment. (Maricel Diaz)

TELETABLOID

Follow Abante News on