WebClick Tracer

Benepisyo ng mga justices, judges naantala dahil kay Sereno – Gadon

ABANTE gadon justices judges sereno

Sumentro sa naantalang survivorship benefits ng mga asawa ng retiradong mahistrado at hukom ang impeachment hearing laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Tatlong incumbent SC Justices ang humarap sa pagdinig ng House Justice Committee kahapon. Kabilang dito sina Justices Samuel Martires, Diosdado Peralta at Lucas Bersamin.

Kahit imbitado, hindi naman na dumalo si Justice Antonio Carpio dahil wala umano itong “personal knowledge” sa isyu.

Partikular na nagbigay ng testimonya si Justice Martires sa isyu ng naantalang pamamahagi ng mga benepisyo ng surviving spouse ng retired justices at judges na pumanaw.

Sa reklamo ni Atty. Lorenzo Gadon, inihayag nito na bago pa maging Chief Justice si Sereno, ang naturang benepisyo ay regular namang naipamimigay ng SC.

Pero ayon pa kay Gadon simula nang maupo si Sereno bilang Punong Mahistrado ay naantala na ang pamamahagi ng benepisyo.

Inabot umano ng hanggang dalawang taon ang delay at bumuo pa ng isang technical working group (TWG) si Sereno na magmamando sa pamimigay ng nasabing benepisyo.

“Some of the claimants told me that processing of their papers only resumed after I filed the impeachment complaint,“ salaysay ni Gadon sa House panel.

Nagdesisyon umano ang SC sa pamamagitan ng inilabas na desisyon ni Justice Martires na ipamigay ang mga benepisyo.

“The only basis of my decision was the law and the grant of the benefits to the claimant provided the requirement of the law is complied with,” paliwanag ni Martires.

Gayunpaman, klinaro ni Martires na humarap lamamg siya sa impeachment committee bilang pagrespeto sa imbitasyon at hindi bilang saksi o witness ng complainant na si Atty. Gadon.

“I came upon the invitation of this committee; I am not a witness of Atty. Gadon. I came here because of the invitation which I cannot refuse,” paglilinaw ni Martirez.

Samantala, hindi man nakatutok sa isyu ng naantalang benepisyo ang testimonya ni Justice Peralta ay nagbigay din ito ng saloobin sa usapin.

Ayon kay Peralta, ang delay sa pamamahagi ng naturang benepisyo ay puwedeng isisi sa pagbuo ni Sereno ng technical working group.

“Bakit pa kasi may TWG,” ani Peralta.

Hinimay ni Justice Peralta ang diumano’y pagmamanipula ni Sereno sa Judicial and Bar Council (JBC) gayundin sa reglamento at proseso ng Supreme Court.

Si Justice Bersamin naman ay tumugon at nagbigay-linaw sa mga inisyung resolutions ni Sereno nang walang pag-apruba ng en banc.

Matatandaan na nauna nang humarap at nagbigay ng kanilang testimonya sina incumbent SC Justices Noel Tijam at Francis Jardeleza.

Ayon kay House Justice Committee chairman Reynaldo Umali, posibleng matapos na ang pagdinig ng impeachment complaint laban kay Sereno sa Pebrero o sa unang linggo ng Marso.

TELETABLOID

Follow Abante News on