100

Dec 20, 2017 @ 14:46
By

2018 budget hitik sa pork – Lacson

Hindi na maitatanggi na may pork barrel ang mga senador at kongresista sa pambansang budget para sa susunod na taong 2018.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, vice chairman ng Senate committee on finance, pruweba na ang pag-angal ng 24 na konggresistang taga-opisisyon na hindi umano mabibigyan ng pork barrel allocation o badyet para sa pinili nilang proyekto.

Nangangahulugan aniya na lahat ng mga senador at konggresista ay mayroong badyet para sa kanilang pet projects maliban sa mga nagrereklamo.

Una nang iniulat na ang 24 na konggresistang kumokontra lagi kay Pangulong Duterte ang apektado ng tapyas sa badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“The thing speaks for itself. Una, bakit umaangal ang 24 na congressmen dahil hindi sila binigyan ng projects? Isa lang ang kasagutan – merong projects yung mahigit 200 kasamahan nila,” ani Lacson.

“Pangalawa, bakit nung ipinatanggal ko sa budget ang P50.7 bilyon at P18 bilyon para sa infrastructure projects dahil sa unresolved ROW (right-of-way) issues, at maliwanag naman sa GAA (General Appropriations Act) at sa Republic Act 10752 ang provision dito, inaway ako ng ilang mambabatas both in the Senate and the lower house?” ani Lacson.

Ayon kay Lacson, dahil sa pagpapatapyas nya sa badyet ng DPWH, nakita nya kung sinong mga senador at konggresista ang may isiniksik doong pork barrel dahil kanya-kanyang agap sa pondo.

“Sabi pa nga nung iba, projects ko ‘yan, projects ko yun! Ano pa nga ba ang ibig sabihin nun except ‘pork ko ‘yan, pork ko yun’,” sabi pa ng senador. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?