107

Dec 15, 2017 @ 14:59
By

2017 PSL Grand Prix: Imports ang sasalya

Tanging ang matibay lamang ang matitira sa pagitan ng F2 Logistics Cargo Movers at Petron Blaze Spikers bukas, Disyembre 16, ng hapon sa huling serye ng best-of-three at kung sino ang susungkit sa titulo ng 2017 Philippine Super Liga Grand Prix sa MOA Arena.

Magsasagupa alas-kuwatro ng hapon ang Cargo Movers at Blazers sa pinaka-ultimong kumurap-talo na labanan kung saan target ikarga ng F2 Logistics ang ikalawang korona habang ayaw paawat sa kabuuang ikaapat naman sa Petron sa prestihiyosong liga ng volleyball sa bansa.

Itinabla ng Cargo Movers ang serye sa tig-isang panalo Martes ng gabi matapos nitong talunin sa loob ng limang set sa Game Two ang Blaze Spikers, 25-20, 24-26, 13-25, 25-19 at 15-4 para makabawi sa masaklap nitong tatlong set na kabiguan sa Game 1.

Sinandigan ng Cargo Movers ang momentum sa huling bahagi ng ikaapat na set kung saan nagawa nitong kumawala mula sa 16 puntos na pagtatabla sa paghulog ng 9-3 atake sa ayudahan nina Desiree Cheng at imports na sina Kennedy Bryan at Ma. Jose Perez upang itulak sa matira-matibay na 5th set ang laro.

Isang taktikal na placing sa likuran mula kay F2 Logistics team captain Charlene Cruz ang nagbigay ng krusyal na puntos para sa Cargo Movers na angkinin ang ikaapat na set.

Sumingasing na sa pagsisimula ng ikalimang set ang Cargo Movers sa pagtatala ng 6-1 atake na hindi na nagawa pang habulin ng Blaze Spikers upang malasap ang kabiguan at magtabla ang serye sa tig-isang panalo.

Nagtulungan sina Bryan at Perez para itulak ang F2 Logistics sa 10-4 iskor bago nagpakita ng husay ang team captain nito na si Cha Cruz na pinasimulan ang limang sunod na puntos kasama sina Aby Marano, Bryan at Perez upang buhayin ang tiyansa nito na masungkit ang pinakaunang korona sa import reinforced na torneo.

Nakatoka uli kay Venezuelan import Maria Jose Perez ang F2 Logistics ang timon na nagtala ng 25 puntos habang ang katropang si American import Kennedy Bryan ay may 15 puntos. Nagtulong sina Aby Maraño at Majoy Baron para sa kabuuang 22 puntos.

“‘Yung fourth set, gamble ‘yun, medyo malayo na (ang score), three locals ang nasa harap at that time, so sabi ko, ‘isang patay lang’ para makaikot,” bulalas ni F2 Logistics coach Ramil De Jesus.

Napag-iwanan ang Cargo Movers sa isang set, 1-2, at naghahabol sa 0-9 sa ikaapat na set bago unti-unting nakuha ang laro upang itulak ang labanan sa winner-take-all match.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?