10,097

Jun 16, 2020 @ 20:49

20 kompanya sa Subic Freeport maninibak

Hindi bababa sa 20 mga kumpanya sa Subic Bay Freeport ang nagpatupad ng mga hakbang sa retrenchment o pagtanggal ng mga empleyado na nakakaapekto sa humigit kumulang sa 3,500 manggagawa dahil sa problemang pinansiyal dulot ng coronavirus pandemic.

Ayon sa Labor Department ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ilan sa mga kumpanya sa loob ng Freeport ay una nang nagsagawa ng cost cutting, tulad ng malawakang pagbabawas ng mga empleyado, araw ng duty at ang biglaang hindi na pagpapasok sa ilang mga empleyado simula pa noong Pebrero.

Sa datos ng Labor Department noong Hunyo 2, tinatayang may kabuuang 2,435 na manggagawa ang napilitang iwan ang kanilang mga trabaho dahil sa pagbabawas sa kanilang araw ng pagpasok dahil na sa kakulangan ng demand sa mga produksyon at mga materyales para pampasweldo sa mga manggawa.

Matatandaan, noong kalagitnaan pa lamang ng buwan ng Pebrero ay una ng nagbawas ng empleyado ang ilang kompanya dito na umaabot sa 883 dahil sa pagkalugi sa pananalapi.

Kabilang sa mga kompanyang ito ang Wistron Infocomm (Philippines) Corp., na may 551 na apektadong manggagawa, pangalawa ang Subic Bay International Terminal Corp., na may 121; Ocean Adventure theme Park o ang Subic Bay Marine Exploratorium, Inc., na may 110; at import, export company na Simon & Stanley International Trading & Development Co, na may 74.

Nakatakdang din umanong magbawas ang ship repair firm na Subic Drydock Corporation (SDC) sa 52 mga empleyado nitong sa Hunyo 25 dahil sa ipinatupad na mandatory leave para sa 149 na manggagawa noong Mayo 1 hanggang 15, base sa ng ulat ng SBMA.

Ayon kay Diana Ross Mazo, manager ng Subic Drydock, napilitan silang isara ang kanilang negosyo dahil sa pahigpit na pagpapatupad ng enhance community quarantine (ECQ) noong Marso na tumagal nang halos dalawang buwan.

“Over the next few weeks, SDC will gradually increase capacity in support of the ‘new norm’. However, based on careful review of our operation, we need to reduce manpower by separating some of our employees effective June 25,” ani Mazo.

Sinabi pa nito na susunod ang kumpanya sa mga batas at regulasyon hinggil sa separation pay ng mga manggagawa alinsunod sa patakaran ng labor code kabilang ang pagbibigay ng naaangkop na 13th month pay at insentibong leave pay, pati na rin ang kalahating buwan na suweldo bawat taon ng serbisyo.

Dagdag pa niya, ang mga opisyal ng SDC, kasama ang mga kinatawan ng SBMA Labor Department at satellite office ng Department of Labor and Employment sa Olongapo City, ay nakipagpulong sa mga apektadong manggagawa.

Mula naman sa tagapamahala ng Labor Department ng SBMA na si Atty. Melvin Varias, bago pa man pumasok ang krisis sa COVID-19, mayroong kabuuang 138,940 manggawa sa Subic Bay Freeport Zone at 70 porsyento ay nasa sa sektor ng pagseserbisyo at higit 15 porsyento naman ay nasa linya ng produksyon sa mga factory, kaya naman nasa kabuuang 0.6 porsyento ang mga apektadong manggagawa. (Randy Datu)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?