164

Dec 30, 2018 @ 19:23
By

20 kalsada sa Bicol, Eastern Visayas sarado dahil sa bagyong ‘Usman’

Dalawampung mga kalsada sa Region 5 at Region 8 ang hindi madaanan dahil sa pananalasa ng Bagyong Usman.

Sa pinakahuling tala ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa Region 5, partikular na sa lalawigan ng Albay, sarado sa mga motorista ang bahagi ng Matalbong Lourdes Tiwi Section dahil sa landslide.

Sa Albay pa rin, isinasagawa na ang sandbagging sa Dumalagan Section sa Albay West Coast na pansamantalang sarado sa traffic dahil sa gumuhong bahagi ng kalsada.

Hirap naman ang mga sasakyan na makausad sa Paclas-Bulusan Libon Section at Bacolod San Vicente Buga Road dahil sa pagbaha.

Sa Catanduanes naman, nagpapatuloy na ang clearing operation sa limang bahagi ng CCR Virac-San Miguel-Viga Road Section na naapektuhan ng landslide kaya hindi muna madaanan ng mga motorista.

Apektado rin ng landslide ang limang bahagi ng CCR Pandan Candan Caramoran-San Andres-Virac Road Section kaya sarado rin muna sa trapiko.

Sa Region 8 naman, partikular na sa Samar, apat na bahagi ng Calbayog-Catarman Road ang hindi madaanan dahil sa pagbaha.

Sa Northern Samar naman, sarado rin sa traffic ang isang road section sa Catarman-Calbayog Road at Bugko-Nenita-Mirador, Catarman Diversion Road I dahil din sa pagbaha.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?