1,601

Jul 15, 2019 @ 16:29
By

20% discount sa pamasahe ng mga estudyante, pirmado na ni Duterte

Obligado na ang lahat ng pampublikong sasakyan na magbigay ng 20% discount sa pasahe ng mga estudyante.

Ito ay makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ganap na batas ang Republic Act No. 11314 na naglalayong gawing permanente ang 20% discount sa student fare.

Magiging mandatory na ang 20% student discount sa pamasahe basta makapagpakita ng school identification card na suportado ng government identification document.

Kabilang sa mga saklaw ng 20% student fare discount ay public utility bus, jeep, taxi, tricycles, train, eroplano at iba pa.

Hindi kasama sa magbibigay ng exemption ang school service, shuttle service, tourist services at iba pang may kaparehong kontrata sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ang sinumang tatangging magbigay ng student discount ay maaaring ireklamo sa LTFRB, Maritime Industry Authority, Civil Aeronautics Board at Department of Transportation.

May katapat namang multa para sa mga hindi susunod sa batas: sa tricycle ay suspensiyon ng lisensiya ng tricycle driver at multang P1,000 sa bawat paglabag; sa jeep at bus ay magmumulta ng mula P5,000 hanggang P15,000 o posible ring makansela ang prangkisa ng mga ito.

Para sa barko, ferry boats at roll-on roll-off (RoRo), may katapat na multang aabot sa hanggang P20,00 habang sa eroplano naman ay maaaring pagmultahin ng hanggang P150,000.

Pero nakasaad din sa batas na pananagutin ang estudyanteng gagamit ng pekeng school ID o dokumento para lamang maka-discount sa pamasahe.

Inaatasan ng batas ang DOTr at iba pang attached agencies na magbalangkas ng implementing rules and regulations para sa epektibong pagpapatupad sa batas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?