By

2 warships ng Pinas na lumahok sa Naval exercises sa Thailand, pabalik na

Sharing is caring!

Matapos ang matagumpay na pakikilahok sa naval exercises sa bansang Thailand, pabalik na ngayong araw ang Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Tarlac (LD601) at ang BRP Gregorio Del Pilar (FF15) lulan ang 600 miyembro ng Philippine Navy (PN).

Ayon kay Capt. Lued Lincuna, director ng Naval Public Affairs Office, magsasagawa ng arrival and welcome ceremony sa Pier 13, Manila South Harbor para sa mga miyembro ng PN na lulan ng BRP Tarlac at BRP Gregorio Del Pilar.

Matatandaang ipinadala ang 600 na PN contingent na pinamumunuan ni Commodore Albert Mogol ng Fleet Marine Ready Force at siya rin ang head of mission sa ASEAN Multilateral Naval Exercise o AMNEX 2017 sa Pattaya at Sattahip Bay, sa Thailand, kasabay ng isinasagawang 31st ASEAN Summit na nasa ika-50 taon na ngayon.

Ang tropa ni Commodore Mogol ay sasalubungin ni Philippine Fleet Commander, Rear Admiral Gaudencio C. Collado Jr.

Ang AMNEX 2017 ay ginanap mula Nobyembre 13 hanggang Nobyembre 22 sa Chon Buri Province at iba pang bahagi ng northern part ng Gulf of Thailand.

Layon nito na masiguro ang kaligtasan ng pandaigdigang sea lanes na mahalaga sa seguridad at pagsulong ng mga bansa sa Southeast Asia. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?