487

By

2 TV talents, laglag sa ecstasy

Sharing is caring!

Bagsak sa kulungan ang dalawang freelance talent umano ng mga kilalang TV network matapos mahulihan ng party drugs sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), Lunes ng gabi.

Kinilala ang mga nadakip na sina Wilheim Van Rudolf Mule, 23, at Christian Lord Dimalibot, 19, kapwa nagtatrabaho bilang mga freelance/extra ng malalaking TV network.

Ayon sa QCPD, matapos na matiktikan ang mga suspek, agad na bumuo ng team ang pinagsanib na mga operatiba ng QCPD-Special Operation Unit at Drug Enforcement Unit at nagkasa ng buy-bust laban sa mga suspek.

Alas-10: 25 ng gabi (December 10), isang pulis ang nagsilbing ‘buyer’ at nagkasundong magkikita sila ng mga suspek sa harap ng St. Joseph Shrine, sa Aurora Boulevard, Brgy. Quirino 3-A, QC.

Habang nagkakapalitan ng 26 piraso ng ecstasy na nagkakahalaga ng P39,000 ang pulis at mga suspek ay agad nagsilabasan ang mga nakakubling awtoridad at dinakma ang mga nabanggit na TV talent.

Tumanggi namang magsalita ang mga nadakip kung sino ang mga parokyano nila sa showbiz.

Nakapiit ngayon sa QCPD headquarters sa Camp Karingal ang dalawang habang inihahanda ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?