55

Dec 28, 2017 @ 14:22
By

2 tulak timbog sa P250K shabu

Naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang sinasabing drug pusher sa isinagawang buy-bust operation na nagresulta ng pagkakakumpiska ng 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga P250,000 sa Quezon City kahapon ng umaga.

Ayon kay Chief Supt. Guillermo Eleazar, director ng QCPD, ang mga suspek na sina Pierre Salandan at Albert Albuera, kapwa nasa hustong gulang, residente ng New York St., Brgy. E. Rodriguez Sr., Quezon City, ay nadakip sa isinagawang buy-bust operation ng kanyang mga tauhan sa District Drug Enforcement Unit (DDEU), kasama ang mga barangay official at kagawad ng media makaraang makatanggap ng sumbong hinggil sa pagbebenta ng droga ng dalawa.

Dakong alas-7:10 ng umaga sa Shell gasoline station sa kanto ng New York corner West Point St., Quezon City nagkasundong mag-aabutan ng droga ang kanyang mga tauhan at dalawang tulak.

Sa aktong iniaabot ng dalawang suspek ang droga sa isang asset ng QCPD ay agad na naglabasan ang kanyang mga tauhan sa pinagkukublihan ng mga ito at agad na pinosasan ang mga nabanggit na tulak.

Nasamsam ng pulisya ang 50 gramo ng shabu at nabawi rin ang P10,000 marked money na pinambayad sa mga suspek.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng RA 9165 o drug pushing ang dalawang nadakip na suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?