95

Jan 12, 2019 @ 12:00
By

2 tulak, 4 iba pa huli sa Marikina pot session

Arestado sa isinagawang magkasunod na buy-bust operation ang anim na suspek na sangkot sa pagbebenta at posesyon ng iligal na droga, kagabi sa Brgy. Concepcion Uno, Marikina City.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), isinagawa ang buy-bust bandang alas-8:45 nang gabi, Biyernes sa Gil Fernando St. cor Cirma St., Brgy. Sto. Niño, at sa isang KTV bar sa Torres Bugallon St., Brgy. Concepcion Uno, Marikina City bandang alas-10:00 nang gabi.

Ayon kay P/Insp. Greco Gonzales, hepe ng Marikina Drug Enforcement Unit, nakilala ang mga suspek na sina na si PJ Portuguese, 19-anyos, residente ng Brgy. Nangka, Marikina City; Eduardo Naniong, 37-anyos, steelman; Pocholo Agpoa, 39-anyos, construction worker; Dina Denise Carlos, 25-anyos; Cherry Aringo, 30-anyos at Gedeon Evasco, 18-anyos, helper, pawang mga residente ng Brgy. Concepcion Uno, Marikina City.

Una nang nakatanggap ng tip ang Marikina Drug Enforcement Unit kaugnay sa iligal na gawain ng kilalang tulak na sina Portuguese at Naniong kaya agad na ikinasa ang buy-bust.

Isang pulis na nagpanggap bilang poseur buyer ang nakipagtransaksiyon sa mga suspek para makabili ng iligal na droga.

Nahuli rin ang lima na nagpa-pot session sa bahay ng isa sa mga suspek at agad na dinampot.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 19 sachet na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng aabot sa P148, 000.00 at shabu paraphernalia.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Marikina detention cell at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Sec 5 at Sec 11 ng RA 9165.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?