155

Jan 2, 2018 @ 19:29
By

2 todas sa pag-ihi sa pader sa QC

Todas ang 33-anyos na lalaki nang pagtulungang bugbugin ng mga istambay matapos na pagtatagain hanggang mapatay ng una ang kanilang kapitbahay na umawat lamang sa kanya habang sinasaksak ang binata na nakita nitong umiihi sa pader sa Barangay Baesa, Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang mga nasawi na sina Ernan Arsenio De Jesus, 33-anyos; at Alex Sulayaw Gamalo, 33, kapwa residente ng Carlos St., Brgy. Baesa, ng nasabing Barangay. Sila ay kapwa nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kasalukuyan namang ginagamot sa Quezon City General Hospital si Arvie Gamala Mahusay, na nagtamo rin ng malalalim na saksak sa katawan.

Sa imbestigasyon ni PO1 Christian Loyola, ng CIDU-QCPD, dakong alas 4:30 ng madaling araw nitong Enero 1, habang nakatalikod at umiihi sa pader si Mahusay ay bigla na lamang itong sunud-sunod na inundayan ng saksak ni Gamalo.

Bagamat duguan ay nagawa pang tumakbo ng binata habang humihingi ng tulong at doon ay nasalubong niya si De Jesus na agad namang hinawakan si Gamalo para awatin ito, subalit sa halip na magpapigil ay siya naman ang inundayan nito ng sunud-sunod na saksak.

Nang makita ni Mrs. Merlita na duguang nakahandusay ang kanyang anak na si De Jesus ay agad itong sumaklolo subalit tinangka rin siyang saksakin ni Gamalo kaya agad na sumaklolo ang mga istambay sa barangay at pinagtulungang gulpihin at pagtatagain ang huli hanggang sa mapatay.

Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang naganap na krimen at kung sino ang nararapat na makasuhan. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?