99

Aug 28, 2019 @ 17:27
By

2 tinodas sa QC, isa nakaposas pa

Dalawa katao na hinihinalang biktima ng “summary execution” ang natagpuan sa Quezon City.

Kinilala ni PLt. Nick Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang mga biktima na sina Nilo Del Prado, 38, residente ng Malagasang 1G, Imus Cavite, at Kennedy Castillo Aba, 32, ng Brgy. Batasan Hills, QC.

Sa report sa CIDU, unang pinagbabaril hanggang sa mapatay si Aba, alas-4:05 ng hapon (Agosto 27) sa harapan ng bakery sa Kalusugan St., Brgy. Batasan Hills.

Batay sa pahayag ng testigong si Janjan Bagaan sa imbestigador na si PMSgt. Roldan Cornejo, naglalakad umano siya sa nasabing lugar nang makarinig siya ng isang putok ng baril at nang kanyang usisain ay nakita niya ang nakabulagtang duguang biktima.

Isinugod pa ang biktima sa East Avenue Medical Center subalit idineklara itong dead on arrival sanhi ng tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa ulo, ayon kay Dr. Dean Xyrus Seares.

Dakong alas-9: 50 ng gabi naman (Agosto 27), natagpuan ang bangkay ni Del Prado na nakaposas pa at tadtad ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa kahabaan ng C.P. Garcia St., Brgy. UP Campus.

Masusi nang iniimbestigahan ang naganap na krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?